Starfield: Ang Ambisyosong Paglalakbay ni Bethesda sa Cosmic Frontier
Nakatakdang ilabas ang Starfield sa September 6, 2023, at lahat ay nakatingin dito para yanigin ang video gaming industry. Ginawa ito ng Bethesda Game Studios at inilathala ng Bethesda Softworks. Ang Starfield ay isang action role-playing game na nakabase sa science fiction na mundo ng outer space. Dinisenyo ang laro para sa mga gamer na gumagamit ng Xbox Series X/S at Windows.
Higit Pa Tungkol sa Starfield
Mapaglaruan man sa first-person o third-person mode, may open world ang Starfield na nagpapahintulot sa mga gamer na libutin ang kalawakan sa pagitan ng kathang-isip at totoong planetary system. Mahigit isang libong planeta ang mapagpipilian, kasama ang ilang buwan at space station. Sa loob ng universe ng Starfield ay ang New Atlantis, ang pinakamalaking lungsod na nagawa pa ng Bethesda bilang development team.
Sa laro, makakasalamuha ng mga player ang iba't ibang non-playable character (NPC). May ilan sa kanila na maaaring sumali sa crew. Tutugon din ang mga NPC ayon sa mga pagpiling gagawin ng player habang umuusad ang laro. Para sa mga miyembro ng crew na sasali sa roster ng player, maaari silang tumulong sa labanan o sa itinalagang outpost na itinayo ng player. Mayroon pang pagkakataon na makipag-romance kung gusto ito ng player.
Mula sa simula, maaaring i-customize ng mga player ang kanilang character ayon sa itsura at background nito. Dahil dito, tatlong starting skill ang mabubuksan. Habang umuusad ang laro, may mga dagdag na skill at trait na mabubuksan na magdedesisyon sa direksyon ng character habang nilalaro ito. Ang anumang pipiliin ng player para sa kanilang character mula sa simula ng laro ang magtatakda kung paano sila kikilos sa iba't ibang environmental at social na sitwasyong makakaharap nila.
Skyrim sa Kalawakan
Ang open-world na mundo ng Starfield ay nagbibigay-daan sa mga player na mag-explore mula planeta hanggang planeta para makita kung anong resources ang puwede nilang makuha. Maraming pagkakataong mag-craft ng iba't ibang item, tulad ng armor, disenyo ng spaceship, weaponry, at consumables. Parang walang katapusan ang mga posibilidad para sa character development, combat, exploration, at trade.
Sa unang pagkakataon sa mahigit dalawampu't limang taon, ang Starfield ang unang bagong intellectual property mula sa Bethesda Game Studios. Tinuturing itong deep space na katapat ng Skyrim, at proyekto ito na pinagtatrabahuhan ng development team mula pa noong 1994. Pagpasok ng 2018, nagsimula ang production ng laro gamit ang Creation Engine 2 bilang platform para gawing realidad ang pangarap na Starfield.
Pagtatakda ng Expectations
Matapos ma-tease ng Bethesda ang audience sa kanilang E3 2018 presentation, nakatutok si director Todd Howard sa pagtiyak na patuloy na uusad ang Starfield bilang susunod na malaking release ng gaming industry. Matapos ipakita ang mga improvement sa demonstration sa E3 2021, sabik nang naghihintay ang gaming community na masubukan ang Starfield. Pero dahil karamihan sa mga Triple-A gaming developer at publisher ay paulit-ulit na nabibigo ang mga gamer sa pag-release ng sirang laro, may mga inaasahang hindi uulitin ng Bethesda ang mga pagkakamaling nagawa ng mga kumpanyang tulad ng Activision, CD Projekt Red, at Rockstar Games.
Makakapantay ba ang Starfield sa mataas na expectations ng mga gamer pagdating ng laro sa September 6, 2023? Base sa apatnapu't limang minutong gameplay na ipinakita ng Bethesda Game Studios noong June 11, 2023, ang sagot sa ngayon ay “oo.” Habang patuloy ang debate kung magkakaroon ng microtransactions ang Starfield, may dahilan para paniwalaang magkakaroon ng expansion packs at modded content mula sa development team ng Bethesda at mga magagaling na gamer na gustong pagandahin ang karanasan nila habang naglalaro.
Tungkol Ito sa Hinaharap
Bukod sa futuristic na setting ng Starfield, lampas sa expectations ng ngayon ang pananaw ng Bethesda bilang kilalang grupo ng developers at game publishers. Nang unang ipakita ang Skyrim noong 2011, hindi pa lubos na napagtanto ng gaming community na mananatiling sikat ang laro hanggang ngayon. Sa paglipas ng panahon, sobrang dami nang na-mod dito, at pinatunayan lang nito kung gaano kadedikado ang mga fan na pagandahin ang karanasan nila sa laro.
Ang gusto ng Bethesda sa Starfield ay katulad ng karanasang naibigay nito sa Skyrim at sa iba pang laro ng Elder Scrolls series. Sa halip na kumita nang mabilis sa kapinsalaan ng mga gamer, gusto ng Bethesda ng pamanang maipagmamalaki nito. Kapag natugunan o nalampasan ng Starfield ang expectations ng mga player pagkalabas nito, magtatakda ito ng bagong pamantayan sa gaming industry.
Sa mga development team at publisher sa gaming industry na tila nawalan na ng koneksyon sa gusto talaga ng mga gamer, lumalakas ang panawagan na gumawa ng mas maayos ang mga Triple-A na kumpanya. Maraming miyembro ng gaming community ang nawalan na ng pasensya sa mga kumpanyang gaya ng Activision na inuuna ang kita at sariling agenda kaysa sa kung ano talaga ang gusto ng mga tao. Sawa na ang mga gamer dito at umaasa sila sa mga kumpanyang gaya ng Bethesda para ibalik ang direksyon ng gaming industry sa tamang landas bilang isa sa pinakamagandang anyo ng libangan.
starfield2.jpg 596.09 KB
starfield3.jpg 273.25 KB
Starfield-4.jpg 259.17 KB